Pista Ng Pelikulang Pilipino: laban sa interes ng indie cinema, palamuti ng rehimeng mapaniil

ni Arnel Mutia Mardoquio


Image via PPP press materials.

▶︎ Ang papel na ito ay hindi pambabatikos sa mga direktor na gumawa ng mahuhusay na mga pelikula para sa PPP2018: sila na lamang ang tamang dahilan kung bakit dapat natin panoorin at suportahan ang mga pelikulang nakaprograma ngayon.

Marangal at kaakit-akit ang panglabas na anyo ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) sa pagnanais nitong masuportahan ang industriya ng Independent Cinema. Garantisadong mahuhusay ang mga pelikulang nakaparada ngayong 2018 dahil karamihan sa nakaprogramang mga pelikula ay gawa ng filmmakers na hinubog sa puso at diwa ng Independent Cinema. Sila ang naghahatid ng karangalan sa PPP.

Subalit kapag sinuri natin nang mabuti ang mga motibasyong yumayakap sa aspekto ng kalakalan ng PPP ay naririyan ang pagkinang ng interes ng kapital -- tila mga pangil itong nakausli, matalim na komokontrol sa ating pampelikulang merkado. Ang mga bagong patakaran ng PPP 2018 ay dinesenyo ayon sa tabas ng kapritso ng malalaking ganid na mga kapitalista na tuwirang nagsasawalang-bahala sa kapangyarihan ng maliliit na mga prodyuser, kapitalista, independent filmmakers, at maging sa manggagawang pampelikula sa kabuuan.


Sa esensya, ang PPP ay isang direktang pamamaslang sa tunay na diwa ng independent cinema. Kelangan nating pag-aralan nang mabuti ang galawang PPP 2018. Ang nais natin suriin dito ngayon ay ang ugnayan ng ahensya ng ating gobyerno na gumagamit, nagwawaldas, ng pondo ng bayan para matustusan ang interes ng mga malalaking negosyante katulad ng theatre operators, film distributors, at big time studio producers.

Magiging interesante ito para sa ating lahat dahil masasaksihan natin sa taong ito ang pagluluwal ng isang bagong bersyon na nagpapalabnaw sa tunay na diwa ng independent cinema. Ang PPP ay punyagi ng mga ganid dahil sila pa rin ang may kontrol sa kalakalan ng pelikula sa bandang huli. Halos nasa dalawang dekada din bago nila natagpuan ang kanilang pormula dito sa PPP, at naipon na nila ang mga teknik sa merkado, gamit ang malawak at mayabong na human resource ng independent cinema.


Sa PPP muling nagkaroon ng sariling pestibal ang mga gahamang kapitalista dahil sa pagkakaroon nila ng isang mahusay na kaalyado sa pamamagitan ni Liza Dino-Seguerra, ang chairman ng FDCP. Ang alyansang ito ay nagsimula pa noong Disyembre 2016.


Ang Pista ng Pelikulang Pilipino ay hindi isang ideyang nagmula sa langit na nahulog sa lupa at sadyang umusbong sa kukute ni Liza Dino-Seguerra. Ito ay isang pestibal na dinesenyo ng mga gahamang kapitalista gamit ang pondo ng gobyerno.

At para masuportahan ang argumentong ito, isang maikling pagbabalik-tanaw ang ating gagawin para higit nating maunawaan ang mapulitikang karakter ng PPP.


Ang MMFF 2016 ang pinagmulan ng PPP. Isang makasaysayang yugto ng paggiit sa isang batayang karapatan na dapat magkaroon ng akses sa isang pormal na merkado ang isang industriyang itinatag ng independent cinema. Nakitaan natin ng ekstraordinaryong kapangyarihan ang indie films noong MMFF 2016, at naipakita kung paano nito napakilos ang isang pampelikulang kalakalan.


Noong 2016 biglang naisademokratiko ang ating merkado, lumuwag ang palaruan para sa mga produkto ng independent cinema. Nubenta'y singko porsyento ng mga pelikulang lumahok sa pestibal noong MMFF 2016 ay nakabawi sa kanilang pinuhunang kapital at sa kabuuan sila ay nagkaroon ng pinagsama-samang kita sa mahigit limang daang milyong piso. Subalit ang kasiyahang makabawi’t kumita ang indie films sa isang pestibal katulad ng MMFF ay hindi pangmatagalan. Ito na rin ang una at panghuli nilang pagkakataon.

Ang panandaliang tagumpay ng independent cinema ang siya ring mas nagpaigting sa matagal nang bangayan sa pagitan ng dalawang industriyang pampelikulang meron tayo ngayon sa Pilipinas. Nakita natin ang mga bantay sa pinto ng kalakalang pampelikula na walang iba kundi ang mga kapitalistang studio-based producers at theatre association — para sa kanila, ang independent cinema ay gate crashers sa merkado, mga salimpusang nakatsamba’t sinuwerteng nakalusot, napasok ang teritoryo ng kalakalan ng MMFF. Para sa kanila, ang independent cinema ay isang banta sa isang monopolyong kalakalan.

Pero sa kabila ng lahat ay may aral din naman silang nakuha at tila naging magnet ngayon para sa kanila ang mga likhang produkto ng independent cinema. Mabilis nilang nakonsolida ang kanilang kapangyarihan. Agaran nilang pinutol ang impluwensiya at kontrol ng progresibong liderato sa loob ng MMFF 2016. At sa mabilis na pag-aagap ng sitwasyon, nakuha nila ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamamagitan ng lider nitong pinakamadaling utuin sa lahat. Ang FDCP chairman ang naging pain nila para maniobrahin at konsolidahin ang kapangyarihan ng mga gahamang kapitalista sa loob ng nasabing pestibal.

Maliwanag ang pagmamando nila sa kanilang uto-utong chairman: Ibalik sa poder ng MMFF ang mainstream cinema na panandaliang nawalan ng kalakal sa taong 2016. Mariin din nilang bilin na huwag pakawalan ang independent cinema, at mas dapat nila itong aluin sa pamamagitan ng isa pang platapormang aakay sa kanila sa merkado. Bagamat tratadong push brands ang indie films sa merkado pero maliwanag pa sa sikat ng araw na ang mga produktong ito ay mapagkakakitaan din naman nila. Kailangang makakabig ang tubo’t kita kumaliwa’t kumanan man sila. Sa ganitong konteksto umiiral ang PPP at dito natin mahuhuli ang tunay na karakter ng pestibal na ito. Kaya sa unang taon pa lamang ng pag-iral nito ay nagmantsa na kaagad ang kasakiman sa loob at labas ng mga sinehan.

Nakatatak sa ating isipan ang pambabalahura ng mga gahamang kapitalista sa mga pelikulang lahok sa PPP noong 2017. Isang studio-based film producer ang nagbihis na parang indie film production, naglabas ng kapital sa isang pelikulang naging official entry ng PPP 2017. Sa una at huling araw ng pestibal, ang pelikulang ito lamang ang sinigurong mailagay sa maestratehikong lokasyon, ito lamang ang binigyan ng mahusay at maraming screening time. Sa unang araw pa lang ay humakot na sila ng mahigit isang daang milyong pisong ganansiya. Habang ang nalalabing pito pang independent films ay nakulelat at pagkatapos ng pestibal ay umuwi silang luhaan, nalamog sila ng husto sa merkado. Si Liza Dino-Seguerra ang nagkaladkad sa kanila sa loob ng isang palaruang hindi patas, sa isang merkadong tadtad ng kurapsyon.

Naging bukambibig na rin ng chairman ang prinsipyong matira ang matibay. Nagpapaniwala na rin ang ating komisyoner sa bulok na pilosopiyang kikita lamang ang pelikula kapag ito ay nasasangkapan ng tamang pormula ng komersiyo. Gayung sa matatamis na mga salitang pumapatong sa kanyang dila noon, ang PPP raw ay isang mahusay na plataporma para sa independent cinema. Dahil nga raw sinehan naman ang wala sa atin, kaya heto na ang isang mahusay na plataporma para sa indie filmmakers.

Sa lahat ng klaseng pambabastos na natanggap ng independent filmmakers sa kamay ng mga kapitalistang gahaman noong PPP 2017 ay wala tayong narinig mula kay Lisa Dino-Seguerra at sa halip ay idineklara pa niya na naging matagumpay ang kanyang pestibal. Ganun daw talaga kung maglaro ang mga pelikula sa merkado. May nananalo, may natatalo. Sa ganitong postura ay nakitaan na natin siya ng katatagan sa pagtangan ng pilosopiya na tuwirang nambababoy sa diwa ng Independent Cinema.
Kaya hindi katakatakang ang mga palisiyang taglay ngayon ng PPP 2018 ay pumapabor sa malalaking kapitalista, pumapabor din ito sa monopolistang asosasyon ng mga sinehan sa Pilipinas. Wala rito ang disenyo ng isang kalakal na mapapanghawakan ng independent film producers at filmmakers, sa usaping kalakal ay walang kapangyarihan ang independent cinema. Ito ang PPP.
Ang PPP at MMFF ay magkaiba sa pangalan at porma pero sa substansiya sila ay pareho lang. Ang kanilang pag-iral ay hindi normal, ang kanilang mga kamalayan ay may kapansanan dahil ito ay bunga lamang ng isang abnormal na relasyon, ang pagsasabwatan ng mga monopolistang kapitalista at ng mapinsalang pangkulturang aparatus ng estado — ang FDCP.
Sa mabilis na paglipas ng panahon si Liza Dino-Seguerra ay nagkonsolida ng kanyang base sa mga rehiyon. Kaliwa’t kanan ang paglulunsad niya ng kanyang mga sekondaryong programa kung kaya naririyan ang cinematheque, treyning, lektyurs at pagbibigay ng pondo sa regional film festivals at workshops. Siya ngayon ay tinitingalang musa, isa siyang diyosa sa mga rehiyon, siya ang kanilang tagapagtanggol. Sinamantala niya ang isang malaking bagay habang wala pa sa kamalayan ng rehiyon ang pag-iindustriya dahil wala pa sila sa yugtong nagkakalakal sila ng kanilang mga pelikula. Sa mga rehiyon niya maigeng naitatago ang pambababoy sa diwa ng industriya ng independent cinema. Naging matibay niyang kalasag ang mga sekondaryong programa. Ang kanyang popolaridad ay naging mga panang panudla sa mga bumabatikos sa kanya. Hindi na nga raw siya magkandaugaga sa pagsusuporta sa industriya ng independent cinema ng bansa heto pa at binabatikos pa siya, tunay nga naman siyang kawawa.
Maligaya naman siya sa pagpupunta sa abrod, ang magsuot ng magandang gown at rumampa sa red carpet, ang makipag cocktail party, ang kumain sa mga restoran gamit ang buhis ng mamamayan, ang pumalakpak, ang lumuha sa bawat pagsungkit ng mga gantimpalang nakukuha ng indie filmmakers. Ayon pa sa kanya, ang ating mga pelikula raw ay may kapangyarihang magpahilom ng mga sugat na inukit ng ating matinding hidwaan. May malaking epekto rin sa atin ang kanyang pagluha at ang matatamis niyang mga ngiti dahil tila agimat itong nagpapalabo ng ating mga alaalang, pilit na binubura ang katotohanang siya rin pala mismo ang nagsemento ng kapangyarihan ng mga monopolistang kapitalista sa ating industriya. Siya ang instrumento ng pagkaudlot ng ating mga pagsisikap na mabuwag ang monopolyo sa ating merkado.
Wala na tayong maasahan sa isang chairman na laging kapos sa imahinasyon, na walang ibang alam gawin kundi ang gumanap sa mga barat, chipipay na mga pelikula, ang magwaldas ng pera ng taong bayan sa mga party sa international festivals, gayung sa kanyang sariling bayan ay may industriyang lugmok at dapat ay buong tapang niyang komprontahin.
Malala ang ating problemang pang-industriya. Hindi ito mareresolba ng mga eksperto sa kalakal at distribusyon dahil ang problema ng ating industriya ay nangangailangan ng isang pulitikal na sulosyon. Kaya nagmimintis lagi kapag ang ginamit na mga programa ay pawang pangsekondaryo lamang. Wala silang panapul sa tunay na problema gayung ang FDCP ay may mahigit sa dalawang daang milyong pisong pondo kada taon. Ang PPP bilang exhibit A ng ating chairman ay sawsawan pa rin ng mga ganid na kapitalista. Bastante na para sa kanya ang mag-organisa ng forum para maidesenyo ang distribusyon at magbuhos kuno ng pera ang gobyerno sa programang ito gayung wala namang konkretong mga hakbang para masulosyonan ang mga ugat suliranin ng ating merkado.
Bakit hindi makuhang gawin ng FDCP ang totoong pagsuporta sa industriya ng independent cinema? Bakit lagi niyang kailangan ang mga ganid na kapitalista sa kanyang likuran? Bakit hindi niya kayang bigyan ng patas na merkado ang mga malalaking film festivals meron ang ating bansa ngayon? Meron na tayong mga pestibal na may kalidad at may tradisyon na ng malawakang pagtangkilik ng madla. Bakit hindi gamitin ng FDCP ang kanyang yamang pondo para kumuha’t omokopa ng maraming sinehan sa buong bansa para sa mga pelikulang ito?

Bakit hindi kumikilos ang FDCP para isabatas ng kongreso at senado ang proteksyon para sa mga Pilipinong pelikula sa ating merkado? Bakit hindi kayang i-lobby ng FDCP ang batas na gumagarantiyang dapat manaig ang mga lokal na mga pelikula kesa sa Hollywood blockbuster films?
Bakit kelangang gumawa pa ang chairman ng sariling pestibal? Hindi nga, dahil ang PPP ay pestibal na kinokontrol ng mga ganid na kapitalista. Ito ay isang barkadahan. Sila sila rin naman ang dahilan ng pagkalugmok ng sarili nating industriya dahil sila rin ang mga negosyanteng nagpapapasok ng Hollywood blockbuster films sa ating merkado. Habang tayong lokal na industriya pa ang nawawalan ng merkado sa sarili nating bansa ay tayo pa ang napapatawan ng sobrang mataas na buwis. Habang ang banyagang mga pelikula ay nagsasaya sa mababang buhis malaya pa nilang natatambak ang kanilang mga produkto sa ating sariling merkado. Ito ang puso ng problema ng ating merkado.
Sa kaso ng mga pelikulang katulad ng "Tu Pug Imatuy" (The Right To Kill), "Paki," "Balangiga" at iba pang mga pelikulang nilagay sa tabi. Hindi ito ang mga pelikulang pagkakaitaan ng mga gahamang kapitalista kaya ginawang sekondaryang lahok lamang ang mga ito sa PPP 2018. Walang interes ang mga kapitalista sa ganitong klaseng pelikula. Nagkunsuwelo de bobo ang PPP na iprograma at mabigyan lamang ng siyam (9) na sinehan at may anim (6) na pelikulang maglalabolabo sa loob ng dose oras na bukas ang mga sinehan. Ibig sabihin, limitadong tig-dalawang screening time lamang meron ang kada pelikula at sa disadbantaheng mga oras pa nakaprograma.

Ano ang mangyayari sa inaasahan nating mas maraming makapanood sa ating pelikula? Nasaan na ang naipangakong bente singkong (25) sinehan? Ano ang mapapala natin dito? Wala. Sino ang may ganansiya ngayon sa pera at sa pagpapabango ng mga pangalan? Ang mga taong nasa likod ng PPP. Nasaan na ang tunay na diwa ng Independent Cinema? Naroon sa basurahan.

Tapusin na natin ang ating ilusyon, ang PPP ay hindi isang malawak na akses pang distribusyon ng Independent Cinema. May maniobrahan sa lokasyon ng mga sinehan, sa screening time at ang maniobrahang hindi pagbebenta ng tiket sa ticketing booth sa kaso ng dalawang pang independently produced films (side bar program), ang diskriminasyon ng ebalwasyon ng CEB sa mga pelikulang tunay na pinagpupuhunan ng pawis at dugo ng indie filmmakers. Ito ang tunay na karakter ng pambababoy ng PPP sa diwa ng independent cinema.
Higit pa rito, ang diwa ng independent cinema sa mekanismo ng PPP 2018 ay isang pagtutulak sa mas malawak na espasyo ng putahan. Ang tunay na diwa ng ating independent cinema ay pinagpuputa sa palaruan ng PPP, naging kustomer natin ang mga balahurang kapitalista, ang big time film studios at distributors. At sa malawak na espasyo ng putahang ito, si Liza Dino-Seguerra ang ating bugaw.
Subalit hindi namamatay ang pagpupursige ng Independent Cinema na maisakatuparan ang demokratisasyon ng industriyang pampelikula sa ating bansa. Ito ay hindi lamang sa kadahilanang nais natin mag ambag sa katatagan ng isang pambansang ekonomiya dahil mas higit pa rito ang ating naiaambag. Ang ating mga pelikula ay mga mahahalagang dokomentong sumasakop sa diwa at puso ng ating bansa, kaya dapat lamang natin itong pagkaingatan at arugain ng husto. Ang tunay na Independent Cinema ay ingat yaman ng ating bansa, dapat natin itong ituring bilang kabahagi ng pambansang patrimoniya.
Pero sa kasalukuyang rehimen ay pinapaniwala tayong maayos naman ang lahat at ginagawa naman nito ang mga nararapat para sa katiwasayan ng ating bayan. Para sa kanila, ang mga bumabatikos sa FDCP at sa gobyerno ay ang mga taong walang magawa kundi ang manggulo at nais mang agaw ng kapangyarihan.
At sa bawat batikos na natatanggap ng FDCP ay lumuluha din ang isang chipipay na aktres. Ang kanyang mga ngiti ay nagtatago sa dilim, kumikislap ang kapital at nakahanda nitong wasakin ang bawat adhika ng Independent Cinema.
Si Liza Dino-Seguerra ay ang musa ng berdugong rehimen. Sa likod ng telon, siya at ang kanyang amo ay sabay sa sumasayaw sa musikang lumalabag sa ating pambansang patrimoniya.

Ang iyaking musa ay abala sa kanyang eleganteng pamamaslang sa tunay na diwa ng independent cinema habang ang kanyang among berdugo ay abala naman sa pamamaslang sa mga pobreng mamamayan at pambubugaw ng ating mga lupain sa banyagang mga bansa.

Sa pagbubukas ng PPP tara na, panoorin natin at ipagbunyi ang mahuhusay na mga pelikula. Ipagbunyi natin ang ating mga kaibigan at kasamahang mga director na kalahok sa PPP.

Pero sa paglabas natin sa mga sinehan sana ay mamulat din tayo sa katotohanan na ang ating palaruan at ang PPP ay isang putahan!

Tara na! Pumasok na at makisaya. Naririto na po ang Pista ng Pelikulang Pilipino.


Si Arnel M. Mardoquio ay isang regional filmmaker at cultural worker. Ito ay kanyang pinost sa Facebook noong August 17 2018.


EMAIL: gaslightph@gmail.com.

WEBSITE COPYRIGHT: 2018. Copyright of essays revert back to authors.

© 2023 by The Artifact. Proudly created with Wix.com

This site was designed with the
.com
website builder. Create your website today.
Start Now