Nora Aunor: Hindi Maaaring Hindian

Updated: Oct 26, 2018

J Pilapil Jacobo

▶︎ Wala nang ibang gawad ang maaaring ialay kay Nora Aunor—siya na dinalamhati ang pinakamasasalimuot na sugat ng bayan sa antas ng hulagway at palatunugan—kundi ang Pambansang Manlilikha ng Sining. Sintomas ng isang krisis sa pamamahala ng estetiko sa bayan at sa bansang nakatanghod sa harap ng banal na basbas ng sining ang pagkaantala ng kanyang proklamasyon.


Kategoryang pansantinakpan ang estetiko, at habang may halaga ang anumang ensayo ng bayan patungkol dito, ang kasarinlan nito sa mundo ng kasaysayan ay hindi maaaring ukluin ng katwiran ng moralidad, lalo na ng estado na ang naipapanukala lamang ay hubog-moral para sa estetiko.


Mga kritiko ng kabihasnan ng pang-aapi ang mga iskolar na humirang kay Nora Aunor, ang mang-aawit-tagaganap, kasama sina Cirilo Bautista, ang paham-makata; Francisco Coching, ang manlilikha ng komiks; Francisco Feliciano, ang musikero; Alice Reyes, ang dalubmananayaw; at Jose Ma. Zaragoza, ang arkitekto, bilang Artista ng Bayan.

Bukod-tangi ang pagganap ni Aunor, dahil radikal itong dumamay sa danas ng bawat Pilipinong nakikitalad sa hindi na maitatatwang daigdig ng dusa.  Maaaring tuligsain ng gayong dalubhasaan ang mga diktador at ang mga himagsikan, subalit hindi nito matatawaran ang bayan na lumilipos sa sining ni Aunor at sa kanyang malikhaing pamayanan.

Anumang pinsala ang nananatiling may saysay sa kanyang mukha at tinig, isang anyo ang umaalsa nang may matalisik na pag-unawa sa mga pagkakataon ng estetiko laban sa politikal. Sa sangandaang ito ng pagmamatyag makapangyayari ang tugon ng siyasat. Hindi lamang ang pagkakasangkapan ng estado sa artista ang may bigat sa usaping ito. Anuman ang pamaraan ng pagpuputong o pagtatakwil, ang hindi matahimik na aswang ng kapwa diktadura at rebolusyon ay ang mabalahong pakikipagtuos sa kasaysayan. Hindi matitibag ng kasalukuyang rehimen ang mga latak ng lumipas na pandarahas kung patuloy na ipagpapaliban at tuluyang ipagkakait kay Nora Aunor ang nailaan nang karangalan. Kung ang huli nga ang mananaig, sino pala ang kulang nito, ng dangal? Ang masahol pa, ipagkakait sa bayan na tahakin ang nakatadhanang salimuot sa landas ng panahon at kasaysayan, may mga bayad mang masingil, o  walang mang kapatawarang sa puso ay malayang mauutas. Kung itataas si Aunor matapos ang lahat ng tangkang makitalad, doon tunay na mabubuwag ang lahat ng monumentong itinayo ng diktadura sa ngalan ng kariktan. Marahil, doon nga maiwasiwas ang isang sagisag ng tagumpay (isa kayang watawat?), mula sa digma. Hindi ba’t ang sandaling iyon ang rurok na naghihintay sa mapaglantay na demokratikong atas?


Iniluwal at inaruga ang sining ni Aunor sa buhanginan ng kaibhan, at hindi sa lupain ng nakagisnan. Nilalangkap ng kanyang larawan at ng kanyang tunog ang palakumpasan ng pagmamahal na nakalakip sa bawat panganorin ng pag-asa.


Ang parangalan si Nora Aunor: doon mapahihindian ng bayan ang paghihindi ng estado.

Doon lamang ang maibubukod ang kanyang katangian. ***


J Pilapil Jacobo first published this on her Facebook account as a note in 2014. Given the decision of the Duterte government to again refuse to giving Nora Aunor her National Artist Award, gaslight is reposting analyses, statements, critiques from 2014 — the first time she was denied the award by the Noynoy Aquino government. This is the first of a series.

EMAIL: gaslightph@gmail.com.

WEBSITE COPYRIGHT: 2018. Copyright of essays revert back to authors.

© 2023 by The Artifact. Proudly created with Wix.com

This site was designed with the
.com
website builder. Create your website today.
Start Now